
Lumaki ako sa paglalaro kay Barbie. Taon-taon sa bawat pag-uwi ng aking ama, may regalo siya sa akin na isa nanamang persona ni Barbie. Nagkaroon ako ng Malibu Barbie, Birthday Barbie, Snow White Barbie, Pop Star Barbie, at lahat na ng klase ng babaeng fiction at non-fiction. Tuwang-tuwa ako sa naka-tatoo na make-up ni Barbie. Sa buhok niyang kahit hindi mo na i-cream silk conditioner every other day ay silky smooth pa din basta wag mo lang suklayin para hindi maglagas. Sa boobs niyang walang nipples, napakaflawless nga talaga ng balat niya. At sa paa niyang maka-lotus feet na sa korte na sakto para sa 7 inch stilletos.
Lahat ng batang babae, mahirap man o mayaman ay nagkaroon ng Barbie. Orig man o fake, pareho pa din ang itsura, nagkaiba lang sa bigat dahil yung fake walang laman, puro balat lang. Kaya naman lahat ng babae ay nasira ang buhay.
Dagdagan mo pa ng syota niyang si Ken, na doll version lang ni Jay Manuel ng America's Next Top Model. Talagang nasira na ang buhay ng mga kababaihan at ang kanilang pag-iisip na sila ay mga Barbie in their own little way at somewhere someday ay makikilala nila si Ken na doll version ni Jay Manuel, pero hopefully ay straight.
Hindi lang si Barbie ang may kasalanan kung bakit bawat batang babae ay nagpapanggap na prinsesa, magkakuntsaba sila ng Disney na nagproduce ng Cinderella, Sleeping Beauty, Rapunzel, Pocahontas, at kung anu-ano pang katarantaduhan na ang babae ay tila isang magnet na sa isang araw ay bigla na lang darating ang 'the one' at sila ay magiging happily every after forever and ever and ever.
At syempre, dahil ako ay batang Barbie at Disney, kahit balatan ko pa sarili ko ay hindi na matatanggal sa sistema ko ang ganitong pag-iisip. Nakakainis.
Samantalang ang mga lalakeng bata ay may pag-iisip na sila ay mga magnanakaw, o pulis, o killer, basta makagamit lang ng astig na baril. O kaya naman sila ay may ray-gun o kaya naman may lumalabas na dragon sa kamay nila, isama pa natin ang mga buhok na nagtataasan na parang porcupine. Syempre, kapag meron sila nitiong mga astiging kapangyarihan at kagamitan, kusang darating ang mga chicks.
Nakakatawa diba? Kaya naman kapag lumalaki ang mga bata, napakabaligtad ng pag-iisip nila. Ang mga babae, naghahanap ng true love. At ang mga lalake, naghahanap ng 'make love'.
Paano kaya kung nagkaroon ng Barbie na kalbo? Tapos may piercings sa kilay, malaking tatoo sa likod, at ang paa ay flat? Tapos si Cinderella, Snow White, Sleeping Beauty, Rapunzel, at Pocahontas ay mga tibo o kaya naman ala-Angelina Jolie with matching namamagang lips? Ganito pa din kaya ang takbo ng mundo? Na ang mga babae ay laging pumipila sa panonood ng mga mushy chick flicks kase nakakainlove pero sa totoo lang ay mas nagpapafrustrate sa kanila kase hindi pa nila nakukuha ang kanilang happily ever after ending?
Ako, basta alam ko, 50 years old na si Barbie pero walang wrinkles, stretch marks at cellulites. Ganun kagaling ang doktor niya. Si Vicky Belo kaya yun? Malamang hinde, kase yun sure ako meron siyang mga ganun, dinadaan lang niya sa pungay ng mata. At si Ken, di naman gwapo. At sa totoo lang, babae lang din yun, hindi pa nagpapalagay ng ano. Kaya technically, tibo si Barbie.